Araw-araw puro
pangungutya, pang-iinis, at pang-aasar ang inaabot ko sa eskwelahan. Minsan ay
pumapasok ako na basa ang aking uniporme dahil pinagtitripan ako ng aking mga
kaeskwela o di naman kaya dahil sa aking pagiging aligaga. Makapal na kilay,
makapal at malaking salamin at higit sa lahat parang walis na buhok, iyan ang
bumubuo sa akin. Ako si Ashley Dimagiba at ito ang aking kwento.
Lunes na naman at patuloy pa din ang
kamalasan na dumarating sa aking buhay. Umagang-umaga at nakasalubong ko na
naman ang grupo ng mga bruha este ang mga babae na laging nagdadala sa akin sa
kamalasan.
“Andito na naman si pangit, sira na agad araw
ko,” ang sabi ni Stacy, ang lider ng grupo.
“Ay!
Nakaharap ka ba sa salamin?,” ang akin namang tugon.
Halata naman sa
mukha ni Stacy ang pagkainis at akmang sasampalin niya na ako pero buti na
lamang ay dumating ang aking matalik na kaibigan na si Lina.
“Kailan niyo ba titigilan si Ashley ha? Inggit
lang kayo sakanya eh,” ang pagtatanggol ni Lina sa akin. “Ako maiinggit? Eh
lahat na nga nasa akin eh. Tignan mo siya ang pangit, ang luwag ng damit, ang
kapal ng salamin, at ang pangit ng buhok. May kaiinggitan ba dyan?” ang
pagyayabang pa ni Stacy.
Sasagot
pa sana si Lina ngunit buti na lamang ay tumunog ang bell na hudyat ng
pagsisimula ng klase.
“Tayo
na Lina. Malelate na tayo sa klase,” sabi ko sakanya sabay takbo ng mabilis
papunta sa silid-aralan.
Dumating kami sa aming silid-aralan
at isang kamalasan na naman ang nangyari sa akin. Pagpasok na pagpasok ko sa
pintuan ay mayroong natapong tubig mula sa itaas kaya basang-basa ang aking
uniporme. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay bigla rin dumating ang aming guro
na si Ms. Dina Lee Go.
“Hala!
Ms. Dimagiba, anong nangyari sa iyo? Ms. Dimagiba? MS. DIMAGIBA!!!” sigaw ni
Ma’am Dina. “Ma’am pasensya na po. Pwede po ba akong pumunta sa c.r?” tanong ko
sa aking guro. “O sige. Magpalit ka na ng uniporme at basang-basa ka,” ang sabi
ng aking guro.
Tumakbo ako nang tumakbo habang
unti-unting tumutulo ang luha sa aking mga mata. Pinagtitinginan ako ng mga tao
ngunit ang nasa isipan ko lamang ay ang makaalis sa sitwasyong kinabibilangan
ko ngayon. Pagdating ko sa palikuran ay isinara ko ang pinto, umupo sa sahig at
patuloy pa din ang pag-agos ng luha ko.
“Bakit
ba ako ganito!? Bakit ba nila ako laging ginaganito!?” aking sigaw. Bigla
namang may kumatok sa pintuan at nagsabing, “Ashley ayos ka lang ba? Andito
lang ako.” Ah, si Lina pala ang kumakatok. Sumagot ako at sinabing, “Sandali.”
Pinunasan ko ang mga luha sa aking mga mata at lumabas na.
“Halika
na Lina, may klase pa tayo.” Ang sabi ko.
Kaya kami ay
bumalik na sa silid at pinalipas na ang isang araw. Ganito pa rin ang mga
pangyayari sa aking buhay ngunit ang araw ngayon ang pinakakakaiba. Ngayong
biyernes ay nakilala ko ang lalaking hindi ko inakalang makikilala ko, si Saint
Gomez. Nakilala ko siya nang ipagtanggol niya ako mula sa mga alipores ni
Stacy. Hindi ko akalain na mayroon pang tao na magtatanggol sa akin maliban kay
Lina. Nagpasalamat ako sakanya at dahil din doon ay naging magkaibigan kaming
dalawa. Minsan ay sinusundo niya ako sa bahay at sabay kaming pumapasok sa
eskwela. Dahil nadin sa sobra kaming naging malapit sa isa’t isa, lalong
tumindi ang galit ni Stacy sa akin. Sumobra rin ang pang-aapi at pananakit
nila, mapa-pisikal man o emosyonal. Kaya, sinabi ko sa aking sarili na darating
ang araw na magbabago ang ikot ng buhay ko. At sa tingin ko, ang araw na iyon
ay dumating na. Naaalala ko noon pagkatapos ng klase ay bigla akong nilapitan
nila Stacy at kanyang mga alipores at sinabi ang mga katagang ito,
“Pasensya na sa mga nagawa namin sayo Ashley.
Sana ay mapatawad mo kami.”
Dahil nadin sa aking pagkagulat,
hindi agad ako nakasagot. Sa huli ay napatawad ko sila at inaya nila ako sa
isang silid dahil magkakaroon daw ng kaunting kainan para ipagdiwang ang aming
pagkakaibigan. Dahil uto-uto ako at mabilis maniwala, naloko na naman ako nila
Stacy. Wala naman palang kainan at pinlano lamang nila ang pakikipagkaibigan sa
akin. Kinulong nila ako sa loob ng silid na sobrang dilim. Takot at kaba ang
nararamdaman ko noong mga oras na iyon. Unti-unti akong nawalan ng malay dahil
sa takot. Pagkagising ko ay nasa ospital na ako at sinabi na kaya ako nahimatay
ay dahil sa nahirapan ako huminga dala na rin ng takot.
Dito ko naisip na sobra na ang ginagawa nila sa akin. Oras na
para baguhin ko ang aking sarili. Makalipas ang dalawang araw ay sinimulan ko
na ang aking gagawing pagbabago. Tinulungan ako nila Saint at Lina at ang una
naming pinuntahan ay ang Salon de Marilao, upang ipaayos ang aking mala-walis
na buhok. Inabot ng mahigit dalawang oras ang pag-aayos nito at nakita ko kung
gaano sila nahirapan sa pag-aayos ng aking buhok.
Unti-unti
kong itinaas ang salamin para makita ko ang pagbabago. Ang dating buhaghag,
parang walis at matigas na buhok ay naging madulas, malambot at sobrang diretso
na.
“Ayan
ang ganda na ng buhok mo ma’am,” puri ni ate Rochelle, ang parlorista na
nag-asikaso sa akin.
“Maraming
salamat po ate. Pasensya na kung nahirapan kayo, paalam,” akin namang tugon.
“Ano
ka ba, wala iyon. Parte iyon ng aking trabaho. Sige, paalam.”
Pagtapos namin sa salon ay dumiretso
na kami sa isang mall para palitan ng contact
lens ang aking makapal na salamin. Iba’t ibang kulay ang aking binili at
tinago ko rin ang aking salamin dahil dito ako nagsimula bago ang pagbabagong
ito.
“Hala,
ang ganda mo Ashley. Tignan mo o, titig na titig si Saint.” Pagpuri at
pang-asar ni Lina.
“Ano
ka ba naman Lina, para kang baliw. Syempre naninibago lang yan si Saint,”
paliwanag ko.
“Hindi,
ang ganda mo talaga Ashley,” ang singit pa ni Saint.
“Ayiee,
kayo ha,” pang-aasar pa ni Lina.
“Hay
nako, tara na nga. Hanap na tayo ng mga damit,” sabi ko.
Pumunta kami sa Forever22 at
Eytch&Em para bumil ng mga panibagong damit. Kumuha ako ng mga damit na
sakto lamang sa akin at hindi katulad ng mga damit ko dati na sobrang luwag at
laki. Ginamit ko ang naipon kong pera sa pagbabayad ng lahat ng aking nabili.
Pagkatapos namin tumingin ng mga damit ay nag-aya sila na kumain muna sa MacDo.
“Ako
na ang bibili ng pagkain natin,” sabi ni Saint.
Habang hinihintay naming si Saint ay
nagkwentuhan muna kami ni Lina.
“Grabe,
ang laki ng ipinagbago mo Ashley. Sigurado akong maiinggit lalo sa iyo si
Stacy,” ang sabi ni Lina.
“Nako
Lina, hindi ko ito ginawa para sa ibang tao. Ginawa ko ito para sa akin dahil
gusto kong respetuhin ako ng iba gaya ng pagrespeto ko sakanila. Sa totoo lamang
ay gusto kong maging kaibigan sina Stacy ngunit di ko naman sila mapipilit kaya
kahit na ganoon ang ugali nila pagdating sa akin ay tinuturing ko pa rin sila
na parang kaibigan,” paliwanag ko kay Lina.
“Wow,
parang pangbeauty pageant ang sagot ha. Ikaw na talaga, mabait na maganda pa.
Napakaswerte ko talaga sa iyo,” sabi ni Lina.
“Swerte
rin ako sayo Lina,” sagot ko pa.
Naparami
pa ang aming napagkwentuhan ng biglang dumating si Saint. Kumain na kami at
naisipang umuwi.
Naihatid na namin si Lina ng biglang
magsalita si Saint, “Napakabuti mong tao Ashley. Napakaswerte ko kasi ako yung
tumulong sayo noon. Kung hindi, hindi siguro ako makakakilala ng babaeng
katulad mo.”
“Ano
ba yan Saint, nakakaiyak naman. Pero salamat ha, di ko alam gagawin ko kung
wala kayo ni Lina sa tabi ko. Salamat,” ang akin namang tugon.
Dumating na kami sa bahay at
naabutan ko ang aking ina na naghihintay sa harap ng aming tahanan.
“Ma,
good evening po,” bati ko kay mama.
“Good
evening po ma’am. Pasensya na po kung ginabi po si Ashley, natraffic po kasi
eh. Ako nga po pala si Saint, kaibigan ni Ashley,” pagpapaliwanag niya.
“Nako
iho, ayos lang iyon. Salamat sa pag-aalaga mo sa aking anak. Kumain ka na ba?
sumabay ka na sa amin,” pag-aya ni mama kay Saint.
“Ay,
huwag na po. Naghihintay na din po ang aking mga magulang, mauuna na po ako.
Paalam,” tugon ni Saint.
Umalis na si Saint at pumasok na din
kami. Inayos ko ang mga gagamitin ko kinabukasan sa eskwela at natulog na.
Kinabukasan, agad akong bumangon at
tumingin sa salamin. Sinabi ko sa aking sarili na ibang Ashley Dimagiba na ang
kanilang makikita. Isang Ashley na palaban at hindi na magpapaapi sa kung sino
man. Maaga akong pumasok upang makapaglakad ako simula sa aming bahay hanggang
sa aking eskwelahan. Pagpasok ko pa lamang ng gate ay naririnig ko na ang
pag-uusap ng mga estudyante gaya ng, “bago ba siya rito?”, “ang ganda niya”, at
“parang pamilyar siya.” Ilan lamang iyan sa mga narinig ko sa pagpasok ko
kanina. At heto na naman, nakita ko na naman ang grupo ng mga bruha.
“Aba,
ang ganda mo ata ngayon ah, magkano paretoke?” pambubuska agad ni Stacy.
“Hello,
good morning. Bakit ba ang init ng dugo mo sa akin? Wala naman akong ginagawang
masama sayo ah,” tugon ko naman.
“Salot
ka kasi sa buhay ko. Ako naman talaga yung dating una eh. Sa klase ako ang top
1 pero nung dumating ka, wala na. Dati lahat ng atensyon ng mga tao nasa akin,
pero ngayon wala na din. Tapos ngayon pati si Saint? Wala ka bang ibang alam
kung hindi agawin yug mga bagay na sa akin?” sabi ni Stacy.
“Alam
mo Stacy, wala akong inaagaw sayo. Dumating ako dito ng wala ni isa mang
kaibigan, ikaw mayroon at sobrang dami pa. Dumating ako dito na kinukutya dahil
sa itsura ko pero ikaw? Hindi mo naranasan yon dahil puro papuri lang yung
nadarama mo. Dumating ako dito ng tahimik at wala ni isa man sainyo ang
tinapakan ko ang pagkatao, pero bakit mo ako ginaganito? Anong karapatan mong
tratuhin ako na parang isang basura. Hanggang kailan ba tayo ganito? Ang gusto
ko lang naman ay maging maayos tayo dahil isa lang naman ang hangad ko eh, ang
maging kaibigan ka.” paliwanag ko kay Stacy.
Halata ang pagkagulat sa mukha ni
Stacy at nagulat ako sa kanyang naging paliwanag.
“Sorry,
Ashley. Hindi ko sinasadya na magawa ang mga bagay na ito sa iyo. Nilamon lang
ako ng inggit kaya ko nagawa yung mga yon. Akala ko kasi na kinuha mo lahat ng
mayroon ako. Sana mapatawad mo ko at makapagsimula tayo ng bagong
pagkakaibigan. Pinagsisisihan ko na nagawa kong saktang ang isang tao na walang
ibang pinakita sa akin kundi puro kabutihan. Pinapangako ko na aayusin ko ang
buhay ko at aayusin ko ang mga gulo na nagawa ko,” ang paliwanag ni Stacy sa
akin.
Naayos namin ni Stacy ang
pagkakaibigan namin pati na rin ng kanyang mga alipores. Sinama niya na rin
kami ni Lina sa kanilang grupo. Si Saint naman ay nagtapat ng kanyang pagtingin
sa akin ngunit mas uunahin naming ang pag-aaral para sa aming kinabukasan.
Napakasaya ko dahil unti-unti ng nababago ang takbo ng buhay ko na bunsod ng
pagbabagong ginawa ko. Tunay nga na ang pagbabagong ito ay makakatulong upang
mapaunlad ko ang aking sarili bilang isang anak sa aking mga magulang, kaibigan
sa mga taong malapit sa akin, at syempre bilang isang indibidwal, dahil kung
hindi ko sinimulan ang pagbabagong ito, tiyak na mananatili lamang ako sa
ilalim. At ngayon, ipinapangako ko sa aking sarili na hindi na ako babalik sa
dating Ashley Dimagiba na inaapi, kinukutya at minamaliit ng iba. Dahil ang
bagong Ashley ay palaban, hindi susuko at hindi papayag na maapi ng ibang tao.
Ito si Ashley Dimagiba at dito nagtatapos ang aking
kwento.
Comments
Post a Comment